Kilusang Milenaryo Sa Pilipinas

Maraming samahang milenaryo ang umusbong sa buong kasaysayan ng Pilipinas. Umusbong ito sa iba’t-ibang panig ng bansa. Tatalakayin natin ang ilan sa kanila kagaya ng Confradia de San Jose, Iglesia Watawat ng Lahi, Salvatori, Dios Amahan, Manulay at Sapilado. Bibigyan pansin natin ang mga katangiang milenaryo sa mga kilusan/samahang ito at ang mga katangi-tanging mga pagkakataong nagbunsod sa kanilang pag-usbong.

Sa kabuuan, layunin tunghayan ang mga samahang milenaryo sa Pilipinas mula sa nakaraan hanggang sa kasalukuyan, bigyang linaw ang mga magkakatunggaling pananaw sa pag-aaral sa interesanteng penomenong milernayo at tasahin ang naging kabuluhan at kahalagahan nito sa lipunang Pilipino simula noon hanggang sa kasalukuyan. Layunin din nating maglahad ng kritiko patungkol sa kasalukuyang pagtingin sa mga samahang ito at sa mga materyal na kondisyon na maaring nagbigay daan sa pag-usbong nito.

Sa unang bahagi ng papel na ito, bibigyang kahulugan natin ang konsepto ng milenaryanismo. Batay sa mga iskolar na nag-aral sa mga grupong ito, magtatala tayo ng mga katangiang makakatulong sa pagtukoy sa mga samahang ito. Ito ay magsisilbi ring gabay sa pagsusuri natin sa mga posibleng sanhi ng pag-usbong nito at ang konkretong epekto nito sa lipunang Pilipino. Susundan ito ng paglalarawan sa iba’t-ibang grupong milenaryo na napili nating ilarawan para sa pag-susuring ito. Ang pagtalakay at pagtatasa sa mga ito ay gagamitan natin ng teoretikal na lente ng pagsusuri upang mas malalim natin itong maintindihan. Gagamit tayo ng prominenteng lente ng pag-aaral sa agham panlipunan na may turol sa kosepto ng pagbabagong panlipunan (habang binibigyang pansin ang papel ng istruktura o konteksto at ng ahensya o aktor).

Lente ng Pagsusuri

Gagamitin natin ang diskursibo o constructivist na lente ng pagsusuri para sa paksang ito. May mga salalayang salik na dapat isaisip kapag ginagamit natin ang lenteng ito sa pagsusuri:

  1. Ang mga aktor ay estratehiko. Ilalagay nila ang kanilang sarili sa isang normatibong oryentasyon batay sa kaalaman nila sa kontekstong kinapapalooban
  2. Walang perpektong kaalaman o pag-unawa o kamalayan sa kontekstong kinapapalooban ang isang aktor, ang kanyang kilos sa loob ng kontekstong kinapapalooban ay batay lamang sa interpretasyon o kaisipan nito tungkol sa konteksto (kaya mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga kaisipan, hindi lang materyal na kundisyon)
  3. Estratehikong aksyon ng isang aktor ay batay lamang sa kanyang interpretasyon sa kontekstong kinapapalooban
  4. Sa kabuuan, hindi lamang materyal na kundisyon ang mapagpasya, gayon din ang interpretasyon o kaisipan ng mga aktor na napapaloob sa isang konsteksto

Dialectical na teorya rin ang constructivism kaya binibigyang halaga nito ang relasyon ng istruktura (sa ibang sabi, konteksto) at ng ahensya (sa ibang sabi, ang tao o ang aktor) at ang mga kontradiksyong nabubuo sa mga relasyong ito.

Pagbibigay Kahulugan sa Samahang Milenaryo

Ang mga malayang relihiyoso-politikal na kilusang ito ay umusbong na sa lipunang Pilipino noong unang bahagi ng ika labing-siyam na siglo. Ito ay kinakitaan ng mga elemento ng Katolisismo at ng katutubong (Pre-Hispanic) kultura (Cleope, 2000). Itinuring ng ilang iskolar ang kilusang ito bilang bahagi ng “Revitalization Movement” (Wallace, 1956: Quibuyen, 1981). Para kay Wallace, may iba’t ibang yugto ang kilusang revitalization.

  1. Stress – ang lipunan bilang isang organismo ay humaharap sa dagok ng pagbabago o kontradiksyon
  2. Milling process – pag-igting ng pagkalito at pag-igting ng paghahanap sa mga solusyon
  3. Revitalization – ito ang organisadong pagkilos ng mga tao upang isakatuparan ang pagtatatag ng bagong kaayusang panlipunan

Idinagdag ni Wallace na ang mga kilusang milenaryo ay maaring hindi makatotohanan o unrealistic at naive o maari ring maging sopistikado at makatotohanan. Bagamat ganito, ang parehong tipo ng kilusang milenaryo ay nagpapamalas ng pagkamalikhain sa mga kakaiba at samut-saring gawain nito upang maigpawan ang sistemang panlipunan na kinapalooban (Wallace, 1956). Isang katangian ng isang kilusang milenaryo ang pagkakaroon nito ng isang propetang may kaugnayan sa tila supernatural na mga nilalang o komunidad. Dahil dito, ang mga panatiko, tagasunod o miyembro ng mga kilusang milernayong ito ay tila dumadaan sa isang sikolohikal-relihiyosong karanasan. Laganap ang paniniwala sa simbolismo at mga ritwal (hal. anting-anting) sa mga samahang kagaya nito.

Maraming grupong milenaryo ang dumating at nawala at bumalik muli. Ayon sa isa pang iskolar na si David R. Sturvetant sa kanyang akdang Popular Uprising in the Philippines, 1840-1940 noong 1976, ang pagbabalik ng mga grupong milenaryo sa paglipas ng panahon ay pahiwatig ng malalim na bangasal o kontradiskyon sa halagahing pesante at sa makabagong pook-urban na mga pagtingin. Ito ang tinawag niyang bangayan ng Little at Great Tradition.

Ating kinikilala na ang pag-usbong ng mga grupong ito ay bunga ng hindi pagsang-ayon sa sistemang panlipunang kinabilangan na bunga ng ibat-ibang salik na nagbubunsod sa diskriminasyong pang-ekonomiko, pulitikal o sosyal o marahil ay opresyon sa ibat-ibang antas ng personal, pulitikal o pambansang buhay ng mamamayan.

Sa madaling sabi, ang mga grupong milenaryo, ayon kay Dr. Maria Nela Florendo sa kanyang papel na Social Crises, Prophets and Alternative Orders: Interpreting Millenarianism in an Indigenous Society, ay may sumusunod na mga katangian:

  1. Ang mga aktibidad ng mga grupong milenaryo ay relihiyoso (Wallace, 1956; Quibuyen, 1981; Burridge, 1969).
  2. May pagtanaw sa bagong kaayusang panlipunan ang mga grupong milenaryo (Burridge, 1969; Wallace, 1956; Sturvetant, 1976). Sa katotohanan, nakaturol sa bagong kaayusang ito ang mga layunin at gawain ng mga samahang ito
  3. Ang mga grupong milenaryo ay may kinikilala o dinadakilang mga bayani o propeta na nagsisilbing gabay sa kilos ng grupo (Wallace, 1956; Sturvetant, 1976)
  4. Ang milenaryanismo ay bunga ng opresyon o kawalang kaayusan sa isang lipunan (Florendo, 2000; Burridge, 1969; Wallace, 1956, Sturvetant, 1976). Sa ibang salita, ito ay bunga ng dialektikal na relasyon o kontradiksyon ng Little Tradition at Great Tradition (Sturvetant, 1976).

Sa bandang ito, dumako naman tayo sa mga halimbawa ng mga grupong milernaryo sa Pilipinas. Bigyang pansin natin ang mga magkakatulad na tema o katangian sa mga grupong ito habang hindi kinakalimutan ang salalayang salik ng lenteng ating ginagamit sa pagsusuri.

Mga Grupong Milernaryo sa Pilipinas

Ang mga sumusunod na empirukong paglalahad ay batay sa mga pag-aaral at akda nila Dr. Maria Nela Florendo, Earl Cleope at Gil Gotiangco, Jr na pawang mga dalubhasa sa larangan ng kasaysayan, antropolohiya at dalubanwahan.

Confradia de San Jose

Itinatag ni Apolinario dela Cruz ang Confradia de San Jose sa lalawigan ng Tayabas bago sumapit ang 1840 kasama ang kanyang labing siyam na kaibigang Katolikong laymen. Hindi sila tumanggap ng mga mestizo o sinumang Espanyol sa samahan. Nang nagsimula itong lumawak sa mga karatig na lalawigan ay napansin ito ng mga may kapangyarihan sa simbahan. Ikinagalit ng mga may kapangyarihan sa simbahan ang limitasyon sa kasapian ng Confradia at ang pag-ako nito sa mga gawaing opisyal lang ng ahensya ng Katolisimo ang pwedeng gumawa (Florendo, 2000). Itinuring silang heretiko at pinaghuhuli ang mga miyembro nito. Ang Confradia ay naging isang rebelyon noong 1842. Sa pagkadakip ni Apolinario dela Cruz, nadurog rin ang rebelyon.
Tandaan na ang pagkatatag ng Confradia de San Jose ay naganap sa konteksto ng kawalang katarungan sa Laguna noong ika-labing siyam na siglo – sapilitang paggawa, pagbayad ng maraming buwis, kakulangan ng kalsada para sa mga produkto at ang sapilitang pagpapagamit ng mga apelyidong Espanyol.

Naniwala ang Confradia na mahahati ang mundo at sa pagkahating ito magsisimula ang bagong kaayusang panlipunan sa daigdig. Para sa kanila muling magsasama ang Bundok Cristobal at Banahaw upang buuin ang “Bagong Herusalem” – isang pamayanang may kalayaang espiritwal, ligtas sa panghihimasok ng mga dayuhan at isang lipunang ibinabalik ang katutubong dangal o kaliwanagan.

Colurom

Pinaniniwalaan na ang mga nagtatag ng Colurom ay galing din sa nadurog na Confradia na nagtago sa kabundukan ng Laguna. Maraming pagkakahawig ang Colurom at Confradia kagaya ng konsepto nila ng langit at ang pag-gamit ng mga anting-anting. Limitado ang kasapian nito sa mga pesante at manggagawang urban. Kinikilala din nila, kagaya ng Confradia, na si Dr. Jose Rizal ay hindi lang isang bayani, kundi isang Diyos. Para sa parehong pangkat na ito, mahalaga ang magdaos ng pilgrimahe sa Bundok ng San Cristobal upang makinig ng sermon ng “Buhay na Kristo” o “Amang Diyos”. Higit sa lahat, layunin ng parehong pangkat ang makamit ang katarungang panlipunan para sa mahihirap.

Bathalismo

Binuo ang samahang Bathalismo ni Venancio P. Wagan. Ang tanggapan nito ay matatagpuan sa Nueva Ecija ngunit ayon kay Gotianco, Jr. ang pangunahing sangay nito ay binuo sa Bundok Banahaw. Mahalagang bigyang pansin natin ang mga pangunahing kaisipang gumagabay sa samahang ito at pansinin natin ang katangiang milenaryo dito at ang pagkakapareho nito sa mga naunang mga samahan.

Ayon kay Wagan, layunin ng Bathalismo na isulong ang pagmamahalan at pagkakaisa sa loob ng kasapian. ang kaaliwalasan sa susunod na buhay. 

Watawat ng Lahi

Banal na Tinig naman ang gumabay sa grupo nina Severino Ang, Mateo Alcuran, Alfredo Benedicto, Jovito Sagado at Gaudisco Parabuac upang itatag ang Watawat ng Lahi. Habang nasa isang paglalakbay patungo sa Burol ng Ginto para maghanap ng kayamanan, nagparinig sa kanila ang Banal na Tinig at sinabi nitong hanapin nila ang buhay na may kaaliwalasan sa halip na materyal na yaman. Itinatag nila ang Watawat ng Lahi noong Desyembre 24, 1936. Para sa kanila, mahalagang isapuso at dakilain ang mga turo ni Hesu Kristo, Moses at Rizal. Si Rizal para sa kanila ay ang Diyos Espiritu sa Trinity of God (pansinin na ito ay isang doktrinang hango sa Katolisismo); si Rizal din ay isinasakatawan si Hesus at kagaya niya, siya ay hindi totoong patay. Ang bagong kaayusang minimithi ng Watawat ng Lahi, ang isang lipunan ng kaaliwalasan, ay matutupad lamang matapos ang huling paghatol ng Diyos.

Hanggang sa kasalukuyan ay may signipikanteng numero nang taga-sunod ang Watawat ng Lahi.

Iglesia Sagrada Filipina ng Sinco Vucales y Virtudes Tierra Santa de Jerusalem

Itinatag naman ito ni Purificacion Aviela noong 1926. Naniniwala ang mga taga-sunod nito na may langit ngunit walang impiyerno. Dahil sa kawalang katarungan at kawalang katahimikan sa mundo, ito na ang nagsisilbing impiyerno ng tao. Kagaya ng Confradia at Bathalismo, naniniwala ang Iglesia Sagrada sa isang bagong lipunan na kinkatawan ng Bagong Herusalem. Kagaya rin ng mga naunang pangkat milenaryo, Diyos rin si Rizal para sa kanila.

Sa Kabisayaan, marami ring umusbong na mga milenaryong kilusan na may kahalintulad na pagtanaw sa supernatural na intervention bilang gabay sa pagkamit ng isang kaayusang tanging Diyos o mga bayaning propeta lamang ang may garantiya. Halimbawa nito ang samahang Dios Buhawi, Babaylanismo, grupo ni Kilat, kilusang Salvatori, at kilusang Dios Amahan.
Sa Cordillera naman sa Hilagang Luzon, nariyan ang kilusang Sapilado na naniniwala sa pagbabalik ng isang Lumauig. Ang Sapilado ay mayroong kinikilalang propeta na may angking supernatural na katangian.

Isa pang kilusang milenaryo sa Hilagang Luzon ang kultong Manulay. Umiikot ang paniniwala ng kasapian ng Manulay sa konsepto ng pagdating ng mga taga Unto, isang lugar sa kung saanman na hindi natin alam kung saan basta’t ito ay supernatural, na siyang magdadala ng kaayusan at tatapos sa pahirap ng paggawa sa mundo.
Marami pang ibang milenaryong samahan sa bansa (e.g. Lapiang Malaya, Guardia de honor, Lepanto, atbp.), ngunit para sa papel na ito, sapat nang talakayin ang mga nabanggit na sa taas. 

Pagsusuri at Pagtalakay

Nagmistulang katatawanan ang samahang milernaryo sa kalakhang ng intelektwal at burgis na bahagi ng lipunang Pilipino. May mga pagtanaw na ang samahang milenaryo ay hindi makatotohanan, isang kabaliwan o bunga lamang ng panatisismo at kulturang katutubo. Ngunit sa pagsapit ng 1960s, nagkaroong ng mas seryosong pag-aaral sa milenaryanismo. Kabilang sa mga iskolar na ito sila Wallace at Sturvetant.

Naging malinaw para sa mga iskolar na ito na hindi lamang panatisismo o hamak na katutubong kultura ang nagbigay daan sa pag-usbong ng mga samahang ito kundi mga materyal na kundisyon na nagbunga sa disgusto sa sistemang panlipunang kinabilangan ng mga grupong ito. Para kay Wallace, ang milenaryanismo bilang bahagi ng revitalization movement, ay nagbigay ng alternatibo sa sistema na para sa mga grupong ito ay depektibo o walang kaayusan (bagamat mistulang kathang isip at hindi posibleng maisakatuparan).

Para naman kay George Foster sa kanyang akdang Peasant Society and the Image of Limited Good noong 1965, manipestasyon ang milenaryong samahan sa konsepto ng “image of limited good” na patotoo sa mababang antas ng kamalayang istoriko. Sinabi ni Foster na ang bawat indibidwal ay nakikitungo sa kanyang kapaligiran batay sa partikular at limitadong pagtanaw sa konteksto nito. Para sa mga pesanteng ito, tinitingnan nila lahat ng bagay sa paligid nila bilang mga bagay na may hangganan (kabilang dito ang yaman, kapangyarihan, kalusugan, kaligtasan at impluwensya). Alinsunod sa limitadong pagtanaw na iyan ang paniniwala na hindi kailanman nila magagawang dagdagan o dugtungan ang dami ng mga bagay na ito na para sa kanila ay may hangganan. Hindi nila kailanman inisip ang kapangyarihan ng masa na maari nilang pagbuklurin upang kumilos at magpakilos.

Hindi rin malayo sa pagtanaw na ito ang binanggit ni Karl Marx:

Religious suffering is the expression of real suffering and at the same time the protest against real suffering. Religion is the sigh of the oppresed creatures, the heart of the heartless world, as it is the spirit of spiritless conditions. It is the opium of the people.”

Dahil sa limitadong pagtanaw, nagsilbing hingahan at alternatibong pananaw ang relihiyoso-politikal na mga samahang ito. Naging kasangkapan ang samahang milenaryo upang ipamalas at iguhit ang kapangyarihan ng mamayan laban sa mga banyagang mananakop sa pamamagitan nga ng paggamit ng mga simbolo. Ang paniniwala sa Bagong Herusalem bilang kahaliling panlipunang kaayusan, ang pagwagayway ng bandila na gaya ng mga Manulay bilang simbolo ng nasyunalismo, ang pagdakila sa mga Pilipinong bayani at ang paniniwala sa Tagalog na Kristo, ang pagnanais sa pagbabalik ng katutubong dangal at pagkakapantay-pantay sa lipunan ay nagsilbing pambasag sa dominante at masaklaw na awtoridad ng Simbahang Katolika at kolonyal na sistemang panlipunan.

Ngunit bilang panghuling puna, hindi nabigyang turol ng mga samahang ito ang mga konkretong hakbangin para tunay na makamit ang bagong kaayusang panlipunan na kanilang ninais na hindi lamang umaasa sa intervention ng isang supernatural (Quibuyen, 1981) — isang bagay na tanging radikal na sikolohiya o radikal na konseptong pampulitika ang makapagbibigay palinwanag.


Paglalagom

Ang mga samahang milenaryo ay umusbong sa konteskto ng mapaniil na kolonyal na kaayusan sa Pilipinas at nanatili sa kasalukuyan. Kinikilala ng mga iskolar na ang pagbabalik ng mga grupong milenaryo ay pahayag lamang ng hindi pa nawawalang malubhang kontradiksyon sa lipunan.

Dahil sa limitadong kamulatan, nilalayon ng mga samahang ito na mag-bigay nga alternatibong kaayusan sa kasalukuyang sistema ngunit nananatiling nakatali sa isang propeta o supernatural na paghatol o intervention ang katuparan sa mithiing ito.

Ang milenaryanismo ay relihiyoso-politikal. Ito rin ay may pagtanaw sa isang mas magandang sistemang panlipunan. Naniniwala ito sa gabay ng mga propeta at pagdakila sa mga bayani bilang patnubay. At kinikilala natin na bunga ng opresyon o kawalang kaayusan ang pag-usbong ng mga grupong ito.

Mahalaga ang papel na ginampanan ng milenaryanismo sa Pilipinas at sa iba pang bansa sa Latin America, South America at Asya na dumaan sa kolonyalismo. Bagamat hindi malinaw kung ano ang naging ambag nito sa pagsulong ng mapagpalayang kilusan, naging kasangkapan ito upang mas higit nating maunawaan ang dinamika ng pagbabagong panlipunan at ang estratehikong paglalagay ng mga indibidwal sa mga partikular na kontekstong kinapapabilangan ayon sa antas ng kamulatan.

Bilang panghuli, iniiwan ko sa mambabasa ang linya galing kay Marx:

The abolition of religion as people’s illusory happiness is the demand for their real happiness. The demand to abandon illusions about their condition is a demand to abandon a condition which requires illusions. The criticism of religion is thus in embryo a criticism of the vale of tears whose halo is religion.”

 

 P.S. Featured photo owned by Chris Quintana

#